Posted in Pieces of Poetry

Gusto ko na Sana ng Sarili Kong Kuwento

IMG_20151011_070935[1]Gusto ko na sana ng sarili kong kuwento

Para sa puso kong ilang taon na ring humahabi ng mga pangarap nang mag-isa.

Isinusulat ang mga ito sa malalamig na dingding na katitigan madalas at extension ng puso

at isip ko.

Muli silang binabalikan sa mga panaginip, sa mga gabing unan lang at kumot ang kinakapitan, sandigan.

Para sa puso kong nilalakad mag-isa ang kahabaan ng mga nasa niya,

At nakakarating sa mga destinasyon nitong wala man lang yakap na sumasalubong.

Para sa puso kong ilang ulit na rin yatang nag-akala,

nagsabing “baka ito na.” “Baka siya na.”

Pero pinaiyak, nilamukos, naihampas din sa tinik ng lungkot

ng “ay hindi pala.” ‘Hindi siya.”

Para sa puso kong nakakilala ng ilang mga mukha,

at yumakap sa mga kuwento sa likod ng mga ito, gaano pa man kababaw, kalalim,

kay hirap unawain…pero nakinig at nakisabay sa mga usapang inaabot ng umaga.

Hindi tumingin sa kulay, o sa dumi, o sa mali.

Dahil alam nito, pareho-parehong mapanghusga ang mga puso.

Pero gusto niyang maiba,

Sa pagiging bukas, tumatanggap. Para tanggapin din siya at pagbuksan.

Para sa puso kong may sarili ring mga takot – sa pag-iling ng mga ulo, pagtaas-baba ng mga tingin, paghawak sa mga palad pero may nakatakdang panahon ng pagbitaw, sa mga salitang walang katugon, tawag na pinuputol, sa mga tawang dating may himig at biglang magiging tawang pilit, sa mga “mamaya na lang” at “nakalimutan ko, pasensya na.”

Takot ito at alam niyang madalas, ang mga takot niya’y totoo.

Para sa puso kong maraming takot pero liban sa isa – ang sumubok kahit maaaring sa umpisa pa lang ay talo na.

Gusto ko na sana ng sariling kuwento. Kahit iyong simple lang.

Walang prinsipeng darating sabay ng kabayo, at sisigaw ng pangalan ko o gigising sa akin sa pamamagitan ng halik. Simple lang – ng pagdating na walang ingay at mag-uumpisa sa ngiti pero gigiba sa anumang nakapagitan sa “ako” at “siya.”

Gusto ko na sana ng sarili kong kuwento, na pwede ko nang kapitan

kapag ang lakas, alab, tapang na nakaimbak sa dibdib ko

ay hindi na sapat o aandap andap na.

Gusto ko na sana. Sana. Nga lang, wala pa.

Wala pang nangahas na tumingin sa akin at hindi iisiping nagkamali lang siya.

Wala pang sumubok, marahil dahil sa pag-aalalang masusugat

siya ng mga kanto ng pagkatao ko.

Gusto ko na sana. Nga lang, wala pa

Wala pang letrang magtatakda kung paano’t saan ito magsisimula. .

Advertisements

Author:

Senior High School Teacher from the Philippines.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s