Posted in Dyurnal: Kuwento ng Sarili

Lumingong Saglit

Madalas akong maniwala na kapag minsan mong pinahalagahan ang isang tao, lilipas ang mga araw, buwan o taon, makakakilala ka ng marami at bagong tao,magmamahal uli at magpapahalaga ng iba, pero, hindi mawawala kung ano ang una mong nadama. Nandiyan lang yan, hindi nabura, natabunan lang, natakpan, kaya niluma. Niluma, at iba ang niluma sa nawala.

Kilala ko siya mula pagkabata. Kalaro ng habulan, tagu-taguan. Katawanan. Kapikunan. Kakilala niya ang mga kakilala ko, katawanan ang mga katawanan ko. pero magkalayo ang mundo. nasa loob ng iisang grupo, pero daig pa ang estranghero. normal lang ang tuksuhan lalo na kung bata. ayon nga lang, kung panay na lang ang “pag-uuuuuuuyyyyy” ng mga tao sa paligid mo, at kahit alam mong hindi naman totoo, naiirita at naiilang ka rin.

Pero di ko naman sukat akalain na mas nakakairita pala kapag alam mo na wala ka nang maitatanggi pa. Na lumipas na ang panahon, tumanda na kayo pareho, nabaon na sa limot ng mga kababata niyo ang panunukso nila, tapos doon mo maiisip na sa pagitan pala ng noon at ngayon, ay may naramdaman ka nga para sa kaniya.

Napakarami kong tanong. Nagsimula sa ‘ano bang pinagsisintir at pinagmumukmok ko?’ Noong araw na umalis siya ng lugar namin para magpalawak ng kaniyang mundo. dalawang taon pa ang gugugulin ko noon sa hayskul at siya ay magsisimula nang gumuhit sa bagong pahina ng buhay niya. sabi ko, lilipas din ito, lilipas din kasi ang mga araw at maookupa ang buhay ko ng maraming bagay at mananatili lamang siya bilang alaala ng isang kalaro, kakilala.

Kaso nasundan pa ng maraming tanong. Ano bang nangyari? Bakit hindi ko na siya makausap? Bakit siya ganun? Bakit ako ganito? Bakit parang ibang tao na nga siya? Bakit mukha akong tanga kapag nakaharap siya? Bakit ako humahakbang lagi palayo? Bakit hindi ko na siya mangitian na gaya ng dati? Bakit kahit ilang taon na ang dumaan, ilang tao na ang nakilala ko, ilang bagay na ang nangyari sa akin, umalis din ako ng Pangasinan para magpalawak ng mundo, wala pa ring nabago sa akin at parepareho pa rin ang tanong?

Sa ngayon, naiisip ko na lang, masyado na akong matanda para sa mga bagay na ganito. eh ano kung wala akong mahagilap na mga sagot para sa mga tanong na ito o sa kung anupamang mga tanong ang pag-aksayahang mabuo ng malikot kong utak. naiisip ko, para bang kakornihan na lang lahat ito kumpara sa napakaraming bagay na dapat ay pinoproblema ko. O sa napakaraming bagay na dapat kong isipin, gawin, panabikan. Sa ilang linggo na lang ay ga-graduate na kami, magsisipaghanap ng trabaho.

Maraming mangyayari sa buhay ko, at siguradong maraming bagay rin ang mangyayari at darating pa sa buhay niya, at dapat hindi ko na pag-isipan pa ang mga tanong na nagsasangkot sa kaniya. Kaso kahapon, sabi ng mama niya, magtatapos raw siya ngayong araw. Para bang nauntog ako’t nahilo. Dinagsa na naman kung anu-anong kakornihan ang utak ko.

At bigla akong bumalik sa ilang taong nagdaan. Bumalik doon sa minsang, naiwan kaming lahat na mga bata na walang ginagawa kaya nagkayayaang maglaro na lang ng habulan. siya ang taya at ayaw kong magpahuli sa kaniya. Inasar ko siya kasi hindi niya ako maabutan. iyon ang huling pagkakataong hindi ako nahiyang makipag-asaran sa kaniya, ang huling pagkakataong nakalaro ko siya. Bumalik ako sa walong taon bago ang araw na ito. iyon ang huling beses na tinawag niya ako sa pangalan ko, at hindi ako natakot lumingon sa kaniya at gumanti ng ngiti. iyon na ang huli.

Bumalik ako sa mga lumipas na taon, at naisip ko, na hindi naman siguro masama na maging masaya ko para sa kaniya. Dahil oo, masaya ako para sa kaniya. ano na ba iyong nasabi ko kanina? Niluma? Bigla naging bago ang mga alaala. pero hanggang doon na lang iyon.

Masaya ako para sa kaniya at ayos lang kahit hindi na niya malaman pa. Ayos na iyon. Magbabago na uli ang takbo ng mundo niya, at gayun din naman ang sa akin. Kung sa pagitan ng ngayon at sa bukas, ay aksidente o magkataong mapagtagpo uli ang mundo namin, bilang dating magkalaro, ayos lang din naman. nawa’y pag nangyari iyon, ay mangitian ko na siya na gaya ng dati, na gaya ng noon, at maetsapuwera na lang ang anupamang tanong kong hindi nasagutan.

(Isinulat ko ito taong 2008. Gusto ko lang ibalik at bumalik.)

Advertisements

Author:

Senior High School Teacher from the Philippines.

2 thoughts on “Lumingong Saglit

  1. Good day! Pwede po akong makahingi ng translation nito in your language? I badly need a piece to be used for my research and I believe this one is the best one. Please.

    1. Hello. Thank you for considering my work. Kailangan niyo po siya in the Pangasinan language? I can do that po. Pwede lang po bang alamin kung ano po ang focus ng study niyo? 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s