Posted in Teacher's Life

Limang Bagay na Natutunan ko Mula sa Pagiging Guro

Sasaglit pa lang ako sa pagtuturo. Ni wala pa yata sa kalingkingan ng mga taong iginugol na ng marami rito. Iyong pawis, boses, at kunot ng noong naibuhos ko, baka gapatak lang ng balde-balde nang naibuhos ng iba; at baka nga ang chalk na naipunas sa uniform ko’t mukha ay baka wala pa kumpara sa nalanghap na’t naibuga ng iba. Pero sa maikling panahon, may natutunan ako.

 

Una, hindi naman talaga madaling masindak ang mga esdudyante sa malalakas na boses. Kunwari lang silang tatahimik kapag tinawag mo ang pangalan nila sa mas mataas at malakas na tinig, pero hindi dahil natakot sila o nag-aalala dahil baka galit ka. Ang iba, napapalingon lang dahil nagulat na may mas malakas pa pala ang boses kaysa sa kanila. Hindi laging napapasunod ng malalakas at matataas na boses ang mga tao. May mga batang mas nakikinig kapag hindi ka sumisigaw, hindi bumubulyaw.

1399834_3860012436958_3795474928262654613_o

Pangalawa, hindi laging bumibilib ang mga estudyante sa mga mahilig magsalita at magalit at manermon sa Ingles. Posibleng tumatahimik sila kapag niraratrat mo na sila ng nakakadugong mga salitang baka ni minsan eh hindi pa nila nasilayan man lang sa mga diksyunaryo nila sa bahay, pero hindi iyon garantiyang tumatagos nga ang mga sinasabi mo sa isip, puso, baga, o atay nila. Ang pagpapadugo ng ilong ay kailanman hindi magiging kapantay ng pagpapaintindi sa estudyante ng kung ano ang kaiga-igaya.

1798082_10201925385955528_5785550612538475670_n

 

Pangatlo, hindi nakakapagpayaman ang 98, at hindi rin nakakapagpataas ng pagtingin sa sarili o dignidad bilang guro ang pagpapaulan ng 75, kahit na ang 70. Hindi masama ang magbigay ng mataas na grade sa mga sadyang magagaling, bibong mga bata. At hindi rin tama ang pagbaha ng 75 o 70 dahil lang hindi mo feel ang mga hikaw sa ilong, mahaba at mabahong buhok, makapal na make-up, bunging ngipin, malaking ilong, o hapit na pantalon, mas mini pa sa miniskirt na suot, o corny na joke ng estudyante mo. Ibigay lang ang 75 o 70 doon sa mga tamad sa lahat ng bagay, lalo na sa pag-iisip.

20160701_141557

 

Pang-apat, hindi lahat ng tahimik sa klase, nakikinig. Hindi rin lahat ng bibo at sagot nang sagot ay magulo. Mas madalas pa nga eh baliktad iyan. At kahit totoo rin ito, hindi rin tamang isipin na lahat ng tahimik at walang imik ay walang alam at lumilipad ang utak at na ang lahat ng madada sa klase ay nakakaintindi sa sinasabi mo. Bilang tagapagturo, huwag kang laging naniniwala sa nakikita mo. Tandaan, maraming namamatay sa maling akala. May kanya-kanyang personalidad lang talaga at trip ang mga estudyanteng kaharap mo. Gumawa ka ng paraan, mahirap man iyan o madali na maintindihan ang mga ito.

 

Panglima, hindi libro, o salita, o talino o kaalaman ang totoong sandata o gamit ng isang tagapagturo (mas bata man siya o matanda na). Sabi sa isang public talk na napakinggan ko noong nakaraang buwan lang, pag-ibig daw talaga ang totoong pinakamabisang gamit ng sinumang nagtuturo. Dahil kahit kailan, hindi magiging madali ang tumayo sa harap ng maraming estudyanteng iba-iba ang hilig at ambisyon at dahilan sa pagpasok (lalo na kung 50 sila o higit pa). Kung hindi mo silang kayang mahalin, hindi mo magagawang magturo, o tulungan sila. Baka nga kahit magbigay ng simpleng joke para gisingin ang natutulog na nilang mga utak at pagkatao (dahil alauna ang klase mo) ay hindi mo magawa. Hindi simpleng pagpasok sa classroom, magsulat sa board para may kokopyahin ang mga bata at pagtanggap ng suweldo sa kinsenas at katapusan ang sinusumpaan ng kahit sinong guro. Higit pa ito doon. Dahil buhay ang hawak mo (mga 50 o higit pang buhay), na pwedeng masira, o mapabuti.

 

Hindi ganoon kadali ang isabuhay lahat ng nabanggit ko. Dahil araw-araw na pumapasok ako sa mga klase ko at humaharap sa mga estudyante ko, anuman ang kurso o dahilan pa nila sa pagpasok, dumudugo pa rin ang ilong ko’t kumakabog ang dibdib, at humihiling na sana hindi ko masira ang buhay at mapatay ang pangarap nila. Pero isa lang din ang alam ko’t pinaniniwalaan – kung ibibigay ko ang puso ko sa pagtuturo, ibibigay din ng mga estudyante ang mga puso nila. IMG20170407132934

Advertisements

Author:

Senior High School Teacher from the Philippines.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s